Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda
Si Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda (19 Hunyo 1861– 30 Disyembre 1896) ay isang Pilipinong bayani at isa sa pinakatanyag na tagapagtaguyod ng pagbabago sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Siya ang kinikilala bilang pinakamagaling na bayani at tinala bilang isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas ng Lupon ng mga Pambansang Bayani.
Pinanganak si Rizal sa isang mayamang angkan sa Calamba, Laguna at pampito sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila, at nakakuha ng diploma sa Batsilyer ng Sining at nag-aral ng medisina sa Pamantasan ng Santo Tomas sa Maynila. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Universidad Central de Madrid sa Madrid, Espanya, at nakakuha ng Lisensiya sa Medisina, na nagbigay sa kanyan ng karapatan sanayin ang medisina. Nag-aral din siya sa Pamantasan ng Paris at Pamantasan ng Heidelberg.
Isang polimata si Rizal; maliban sa medisina, mahusay siya sa pagpinta, pagguhit, paglilok at pag-ukit. Isa siyang makata, manunulat, at nobelista na ang pinakatanyag sa kanyang mga gawa ay ang nobela ng Noli Me Tángere, at ang kasunod nitong
El filibusterismo. Isa ring poliglota si Rizal, na nakakaunawa ng dalawampu't dalawang mga wika.
Itinatag ni José Rizal ang La Liga Filipina, isang samahan na naging daan sa pagkabuo ng Katipunan na pinamunuan ni Andrés Bonifacio, isang lihim na samahan na nagpasimula ng Himagsikang Pilipino laban sa Espanya na naging saligan ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Emilio Aguinaldo. Siya ay tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng Pilipinas ng sarili nitong pamahalaan sa mayapang pamamaraan kaysa sa marahas na himagsikan, at susuportahan lamang ang karahasan bilang huling dulugan. Naniniwala si Rizal na ang tanging katwiran sa pagpapalaya sa Pilipinas at pagkakaroon nito ng sariling pamahalaan ay ang pagbabalik ng karangalan ng mga mamamayan,at kanyang winika "Bakit kalayaan, kung ang mga alipin ngayon ay magiging maniniil ng hinaharap?" Ang pangkahalatang napagsang-ayunan ng mga dalubhasa sa buhay ni Rizal ay ang pagbitay dito ang naghudyat upang magsimula ang Himagsikang Pilipino.
Anak si Rizal nina Francisco Rizal Mercado (1818–1897)at ni Teodora Morales Alonzo y Quintos (1827-1911; na ang pamilya nila ay pinalitan ang kanilang apelyido bilang "Realonda"), na parehong masaganang magsasaka na pinagkalooban ng upa sa isang hacienda at kaakibat nitong palayan ng mga Dominikano. Pampito sa labing-isang mangkakapatid si Rizal: sina Saturnina (Neneng) (1850–1913), Paciano (1851–1930), Narcisa (Sisa) (1852–1939), Olympia (1855–1887), Lucia (1857–1919), María (Biang) (1859–1945), José Protasio (1861–1896), Concepción (Concha) (1862–1865), Josefa (Panggoy) (1865–1945), Trinidad (Trining) (1868–1951) at Soledad (Choleng) (1870–1929).
Ikalimang salinlahi na si Rizal sa inanak ni Domingo Lam-co Quanzhou noong kalagitnaan ng ika-17 dantaon. Napangasawa ni Lam-co si Inez de la Rosa, isang Sangley ng Luzon.
Mayroon din lahing Kastila at Hapones si José Rizal. Ang kanyang lolo at ama ni Teodora ay kalahating Kastila at isang inhinyero na pinangalanang Lorenzo Alberto Alonzo. Ang kanyang lolo sa talampakan sa ina ay si Eugenio Ursua, inanak ng isang Hapones.
Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon, pinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang mga magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila. Noong nagsimula siyang mag-aral sa Ateneo Municipal de Manila, inalis niya ang tatlong huling pangalan na bumubuo sa kaniyang buong pangalan, sa payo ng kaniyang kapatid na siPaciano Rizal at ng pamilyang Mercado-Rizal, kaya ang kaniyang pangalan ay naging "Jose Protasio Rizal". Dahil dito, minsang naisulat ni Rizal na nagmistula siyang "hindi lehitimong anak". Ginawa ang pagbabagong ito upang mas malayang makapaglakbay si Rizal, at mailayo ang kaniyang koneksyon sa kaniyang kapatid na minsan nang nagkaroon ng ugnayan sa Gomburza. Mula pagkabata ay nakakarinig na si Jose at Paciano ng mga hindi pa naririnig na mga kaisipang pulitikal ukol sa kalayaan at karapatang pantao na kinagagalit ng pamahalaan. Sa kabila ng pagbabago sa kaniyang pangalan, naging kilala din si Jose bilang "Rizal" sa mga patimpalak sa pagtutula, kung saan humanga ang kaniyang mga guro sa wikang Kastila at iba pang mga banyagang wika, at kinalaunan, sa pagsusulat ng mga sanaysay na kritikal sa mga sanaysay ng mga Kastila ukol sa sinaunang lipunang Pilipino.
Marahil ang buhay ni Rizal ang pinakadokumentado sa mga Pilipinong nabuhay noong ika-19 siglo dahil sa maraming mga talang isinulat niya at ukol sa kaniya. Halos bawat detalye sa kaniyang buhay ay naitala, dahil sa kaniyang regular na tagasulat ng kaniyang talaarawan at dahil din sa kaniyang pagiging manunulat, at karamihan sa mga materyales na ito ay nananatili pa rin. Naging mahirap sa mga biograpo ang pagsasalin ng kaniyang mga likha dahil sa ugali ni Rizal na pagpapalit ng wika.
Kabilang sa mga nilalalaman ng mga tala ni Rizal ang pananaw ng isang Asyano na nakarating sa Kanluran sa unang pagkakataon. Kabilang dito ang kaniyang mga lakbayin sa Europa, Hapon at Estados Unidos, at maging sa kaniyang pananatili sa Hong Kong.
Matapos siyang makapagtapos mula sa Ateneo Municipal de Manila, bumisita si Rizal at ang isang kaibigang si Mariano Katigbak upang bisitahin ang lola ni Rizal sa ina na naninirahan sa Tondo, Maynila. Sinama ni Mariano ang kaniyang kapatid na si Segunda Katigbak, isang 14-taong Batangueña mula Lipa, Batangas. Karamihan sa mga panauhin ng lola ni Rizal ay mga mag-aaral sa kolehiyo, at alam nila na magaling sa pagpipinta si Rizal. Pinakiusapan siya na gumawa siya ng larawan ni Segunda. Bagaman tumanggi si Rizal noong una, ginawan din niya ng guhit si Segunda. Sa kasamaang palad, may kasintahan na si Katigbak na ang pangalan ay Manuel Luz.
Mula Disyembre 1891 hanggang Hunyo 1892, nanirahan si Rizal at kaniyang mga pamilya sa Blng 2 ng Rednaxela Terrace, sa isla ng Hong Kong. Nangupahan si Rizal sa 5 kalye D'Aguilar, Distritong Central, Isla ng Hong Kong bilang kaniyang klinika sa mata mula 2 ng hapon hanggang 6 ng gabi. Kabilang sa mga naitala sa bahagi nito ng kaniyang buhay ay ang kaniyang mga pagkahanga na kung saan siyam ang nakilala. Sila ay sina Gertrue Beckett, na taga Londres, Nelly Boustead na nagmula sa pamilyang mangangalakal galing Inglatera at Iberia, Seiko Usui (na tinatawag ding O-Sei-san) na kabilang sa lahi ng maharlikang Hapon, ang kaniyang naunang mga pagkakaibigang sina Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, at ang kaniyang panliligaw sa kaniyang malayong pinsan na si Leonor Rivera, na sinasabing kinuhanan ng inspirasyon sa karakter na Maria Clara ng Noli Me Tangere.
Makikita ang malaking bahagi ni Leonor Rivera sa buhay ni Rizal sa mga sulating kagaya ng “If Dreams Must Die” at “The Love of Leonor Rivera” ni Severino Montana. Kung saan kapwa nagpapakita ng imahe ng isang dalagitang umiibig sa bata nitong puso, isang kolehiyala na naihahalintulad kay Maria Clara, at isang walang-hanggang pag-ibig ni Rizal.
Sinasabing inspirasyon ni Rizal si Leonor Rivera para sa kaniyang tauhan na Maria Clara sa Noli me Tangere at El FIlibusterismo. Unang nagkita si Rizal at Rivera sa Maynila noong 14 taong gulang pa lang si Rivera. Noong lumuwas si Rizal sa Europa nong 3 Mayo 1882, si Rivera ay 16 taong gulang pa lamang. Nagsimula ang kanilang pagtatalastasan noong nag-iwan si Rizal ng tula para kay Rivera na namamaalam.
Nananatiling nakatuon si Rizal sa kaniyang pag-aaral sa Europa dahil sa kaniyang pakikipagtalastasan kay Rivera. Dahil hindi gusto ng nanay ni Rivera si Rizal ay gumagamit sila ng kodigo sa kanilang mga sulat. Sa sulat ni Mariano Katigbak na nakapetsa sa 27 Hunyo 1884, binanggit si Rivera bilang "katipan" ni Rizal. Nilarawan ni Katigbak si Rivera bilang lubhang apektado sa paglisan ni Rizal, na palaging maysakit dahil sa insomnia.
Noong umuwi si Rizal sa Pilipinas noong 5 Agosto 1887, bumalik na si Rivera at kaniyang pamilya sa Dagupan, Pangasinan. Pinagbawalan si Rizal ng kaniyang amang si Francisco Mercado na makipagkita kay Rivera upang huwag mailagay ang pamilyang Rivera sa panganib, dahil sa mga araw na iyon binansagan na si Rizal ng pamahalaang Kastila bilangfilibustero o mapanghimagsik dahil sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere. Nais pakasalan ni Rizal si Rivera habang siya'y nasa Pilipinas pa dahil sa lubusang katapatan ni Rivera. Muli, pinakiusapan ni Rizal ang kaniyang ama bago ang kaniyang muling paglisan sa Pilipinas. Ngunit hindi naganap ang pagkikita. Noong 1888, hindi na pinapadalhan ng sulat si Rizal galing kay Rivera ng isang taon, sa kabila ng patuloy na pagpapadala ni Rizal ng liham sa kaniya. Ang dahilan ng pananahimik ni Rivera ay dahil sa kasunduan ng ina ni Rivera at ng isang Ingles na nagngangalang Henry Kipping, isang inhenyero sa daangbakal na nabighani kay Rivera at mas sinasang-ayunan ng ina ni Rivera. Lubusang nasaktan si Rizal noong nabalitaan niyang nagpakasal na si Rivera kay Kipping.
Itinabi ng mga kaibigan ni Rizal ang halos lahat ng mga bagay na binigay niya, kabilang ang mga guhit sa mga piraso ng papel. Ang ilan sa mga bagay na ito ay mga ohales at panyo na may guhit at sulatin na binigay sa mga Blumentritt, na kinalaunan ay binigay din sa pamilyang Rizal.
Kabilang sa mga namangha kay Rizal ay ang anak ng isang liberal na Kastila na si Pedro Ortiga y Perez; at maging si Dr. Reinhold Rost ng Museong Britanya kung saan siya naging regular na panauhin sa kaniyang tahanan habang siya'y nagsasaliksik sa mga sulat ni Morga sa Londres, kung saan binansagan siya bilang "hiyas ng isang tao".
Sa buhay ng pagka-bayani ni Rizal ay may dalawang babae na kapwa nagkaroon ng mahalagang bahagi, ito ay ang kanyang ina at si Josephine Bracken. Si Donya Teodora Alonzo ay isang mapagmahal at mapag-kalingang ina, na nagpakita ng mga katangian ng isang huwarang inang Pilipino. Isang parokyano ng Kristiyanismo, para sa kanya ay isang pagtalikod o kasalanan sa paniniwala ang pag-aaral ng siyensiya at pag-ibig kay Josephine Bracken.
Samantalang makikita si Leonor Rivera kay Maria Clara, si Josephine Bracken naman ay kay Salome. Si Salome ang karakter ni Rizal sa Noli Me Tangere na hindi isinama sa publikasyon kaya iilan lamang ang nakakikilala. Si Salome ay ang iniibig ni Elias, isang babaeng kakikitaan ng liberal na pag-uugali sa pagsasalita, pagkilos at pananaw sa sex. Ang usapan nina Elias at Salome ay isang senaryong kakikitaan ng lubusang pagtukoy sa pagnanasa bago pa ang mga sulatin ni Jose Garcia Villa. Maihahalintulad din si Josephine Bracken kina Magdalene, Mata Hari, Kitty O’Shea, Sadie Thompson, at Joan of Arc.
Si Josephine Bracken ang naging daan upang makita ang liberalismo ni Rizal ng ina nito at mga kapatid. Isa na rito ang naging pagtatalo ni Rizal at ng kanyang ina tungkol sa pagsasama nila ni Josephine Bracken kahit na walang basbas ng simbahan. Bukod sa pagiging liberal taglay din ni Josephine Bracken ang mga kaugalian kagaya ng pagiging matatag at may buong-loob sa pakikipaglaban ng kanyang mga pinaniniwalaan.
Ayon kay John Foreman, si Josephine Bracken ay maihahalintulad kina Gabriela Silang at Joan of Arc sa kanyang walang hanggang pakikibaka sa laban ng mga Katipuneros kahit sa pagkamatay ni Rizal. Unang nakita si Josephine sa Asamblea sa Imus, Kabite noong 29 Disyembre. Kasama niyang dumating sa pagtitipon si Paciano Rizal at iba pang kabilang sa pamilya Rizal. Ayon pa kay General Ricarte, hindi rin matatawaran ang partisipasyon ni Josephine sa paggagamot sa bahay sa Tejeros kung saan naging nurse at inspirasyon siya sa mga may sugat at iba pang nagpupunta dito. Gayundin ay makikita ang partisipasyon ni Josephine sa “Battles of Silang” st “Battle of Dasmariñas” noong 27 Pebrero. Makikita ang lubhang katatagan ni Josephine Bracken sa Rebolusyon, nang panahon kung kailan dadakipin na siya ng mga Espanyol. Kung saan naglakad siyang dumudugo ang mga paa mula sa Maragondon hanggang Laguna hanggang makarating siya sa daungan papuntang Maynila.
Si Josephine Bracken ay isang malaking bahagi ng kasasayan ng Pilipinas hanggang sa kanyang kamatayan noong taong 1902 sa sakit na tubercolosis. Ang kanyang kusang-loob na pakikibahagi sa Rebolusyon at patuloy na pagtulong sa mga Pilipino sa kabila ng hindi pagkilala ng mga ito sa kanya noong una ay sadyang kahanga-hangang kaugaliang napatunayan ni Josephine Bracken sa loob ng mahabang panahon.
Noong Pebrero 1895 nagkita si Rizal kay Josephine Bracken isang babaeng Irlandes mula Hong Kong, noong sinamahan niya ang kaniyang bulag na amang si George Taufer upang ipasuri ang kaniyang mga mata kay Rizal. Matapos ang ilang mga pagbisita, nakipag-ibigan si Rizal at Bracken sa isa't isa. Nais nilang magpakasal, ngunit dahil sa reputasyon ni Rizal dahil sa kaniyang mga sinulat at pananaw pampulitika, tumanggi ang lokal na kura na si Padre Obach na ikasal sila liban na lang kung makakakuha si Rizal ng pahintulot mula sa Arsobispo ng Cebu. Hindi sila makapagkasal sa simbahan dahil tumangging bumalik si Rizal sa Katolisismo.
Matapos samahan ang kaniyang ama sa Maynila upang bumalik sa Hong Kong, at bago siya bumalik sa Dapitan upang tumira kay Rizal, pinakilala ni Josephine ang kaniyang sarili sa pamilya ni Rizal sa Maynila. Minungkahi ng ina ni Rizal na magdaos sila ng kasalang sibil, upang hindi mabagabag ang konsensya ni Rizal ukol sa kaniyang politikal na pananaw upang makakuha ng pahintulot mula sa isang Obispo. Naikasal si Rizal at Josephine sa pamamagitan ng kasalang sibil sa Talisay sa Dapitan. Sinasabing nagkaroon sila ng isang anak na nagngangalang Francisco, na namatay din agad pagkasilang.